Pinaigting ng Office of Civil Defense ang pakikipag-ugnayan sa Department of the Interior and Local Government at sa mga lokal na pamahalaan bilang paghahanda sa epekto ng habagat at isa pang sama ng panahon.
Kabilang sa mga hakbang ang pag-activate ng local emergency operation centers, paghahanda ng evacuation sites, rescue units, at relief supplies, pati na ang direktiba sa mga LGU na magsagawa ng pre-emptive evacuation sa mga lugar na flood at landslide-prone ayon sa DENR-MGB.
Tiniyak din ng OCD ang mahigpit na koordinasyon sa DOST-PAGASA para sa mabilis na pagpapakalat ng forecast at babala kaugnay sa sama ng panahon.
Kasunod nito, pinaalalahanan ng Civil Defense ang publiko na manatiling alerto, alamin ang pinakamalapit na evacuation centers, at agad lumikas kung sakaling lumala ang lagay ng panahon.