dzme1530.ph

NYC, hinimok na isulong ang values-centered training program sa mga mananalong opisyal ng Sangguniang Kabataan

Hinimok ni Manila Cong. Benny Abante, Jr. ang National Youth Commission (NYC) na isulong ang values-centered training program sa mga mananalong opisyal ng Sangguniang Kabataan (SK).

Ginawa ni Abante ang hamon sa NYC nang humarap ito sa Committee on Appropriations para sa hinihinging budget sa taong 2024.

Ayon kay Abante, Chairman ng Human Rights Panel sa Kamara, mahalaga na mamulat ang mga kabataan sa kagandahang asal lalo pa at sa murang edad ay nae-exposed na ang SK leaders sa tukso habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.

Para kay Abante magandang gamitin ang mga mananalong SK officials bilang panimulang hakbang sa inilunsad na slogan ni PBBM na “Bagong Pilipinas.”

Ang “Bagong Pilipinas” ay branding communication strategy ni Pangulong Marcos para isulong ang good governance at responsible leaders.

Ayon pa kay Abante, kailangang maisabuhay talaga ang kasabihan na “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.” –sa ulat ni Ed Sarto, DZME News

About The Author