Mapipilitan ang National Water Resources Board (NWRB) na iprayoridad ang alokasyon ng tubig para sa domestic supply kapag umabot na sa 180 meters ang lebel ng Angat dam.
Binigyang-diin ni NWRB Executive Director Sevillo David Jr. ang pangangailangang magtipid ng tubig sa gitna ng anunsyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na maaaring tumaas ang El Niño alert status sa Mayo.
Ayon kay David, sa kasalukuyan, ang NWRB ay nagbibigay ng 30 cubic meters per second para sa irigasyon habang ang araw-araw na konsumo ng tubig para sa Metro Manila ay nasa halos 4,200 milyong litro kung saan mas malaki aniya ang konsumo ng tubig para sa irigasyon kumpara sa domestic use.
Kung kaya’t mahalaga aniya na hindi mag-aksaya ng tubig ang publiko bilang bahagi ng conservation measures na itinutulak ng ahensya.
Matatandaang inaprubahan ng NWRB ang 52 cubic meters per second alokasyon para sa Maynilad Water Services Inc. at Manila Water hanggang Mayo, 2023 para tugunan ang water interruption na nararanasan ng mga customer.