Pinalagan ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) at mainstream media ang Facebook post ni Leyte 4th District Rep. Richard Gomez na umatake sa media na humihiling ng interview sa kanya.
Sa Facebook post ni Gomez noong Agosto 28, tinawag nitong bahagi ng “media spin” ang iba’t ibang media organizations na nais mag-interview sa kanya dahil magkakahawig umano ang mga tanong sa interview requests.
Ang isyu ay kaugnay sa nag-collapse na flood control structure sa Matag-ob, Leyte, kung saan binatikos ni Mayor Bernie Tacoy ang kongresista dahil sa umano’y kawalan nito ng suporta sa paglutas sa malawakang pagbaha sa kanilang bayan.
Ayon sa NUJP, ang request ng interview ay bahagi ng trabaho ng media para malinawan ang isyu at masagot din ni Gomez ang paratang ni Tacoy. Puwede naman umanong sumagot si Gomez ng simpleng “no comment” o kaya’y hindi na lamang mag-reply, imbes na lagyan ng malisya ang simpleng interview request.
Sa kanyang post, pinuna ni Gomez ang magkakaparehong tanong ng social media at media agencies na aniya ay “alam na alam mong merong nagkukumpas, alam na alam mong ginastusan.”