Nanawagan ang cause-oriented group na Socialista Inc. kay New NAIA Infrastructure Corporation (NNIC) chairman Ramon S. Ang na tuparin ang nauna nitong pahayag na paunlarin at ayusin ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nang hindi gagamit ng pondo ng gobyerno o magpapataw ng dagdag pasanin sa mga mamimili.
Sa isang pahayag, hinamon ni Socialista secretary general Edeng Villasin si Ang na isagawa ang proyekto bilang isang estratehikong corporate social responsibility initiative, isang kilos ng mabuting kalooban mula sa isang negosyanteng, anila, yumaman mula sa pawis at paggawa ng uring manggagawa.
Binigyang-diin ng grupo ang naging pahayag ni Ang sa pulong kasama ang mga alkalde ng Metro Manila, kung saan nangako itong tutulong sa pagsasaayos ng problema sa pagbaha nang walang gastos sa pamahalaan.
Aniya, kung kayang pondohan ang mga proyektong kontra-baha, bakit hindi gawin din sa NAIA upang maiwasan ang abala, dislokasyon, at pagtaas ng gastos na magreresulta sa mas mataas na singil sa paliparan.