Aminado ang National Intelligence Coordinating Agency na “challenging” o malaking hamon ang paghanap sa mga nasa likod ng deepfake audio ni Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr..
Ayon kay NICA Deputy Director General for Special Concerns Abelardo Villacorta, batay sa paunang imbestigasyon, natuklasang nasa ibang bansa ang internet protocol (IP) address ng AI audio.
Kaugnay dito, patuloy na makikipagtulungan ang nica sa Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, Dep’t of Information and Communications Technology, at iba pang intelligence agencies hindi lamang sa Pilipinas kundi sa ibang bansa, upang matunton na ang mga gumawa ng deepfake audio.
Mababatid na tukoy na ng PNP ang posibleng source o pinagmulan ng deepfake audio kung saan ginamit ang boses ng Pangulo at maririnig ito na tila nagpapahiwatig ng giyera laban sa China.