dzme1530.ph

NGCP, pinagpapaliwanag ng DOE kaugnay ng aberya sa transmission line

Binigyan ng 24 oras ng Department of Energy (DOE) ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) upang magpaliwanag kaugnay ng nangyaring aberya sa Bolo-Masinloc transmission line, na nagdulot ng power interruptions sa malaking bahagi ng Luzon.

Ayon sa DOE, sa pamamagitan ng kanilang electric power industry management bureau ay nakikipag-ugnayan ito sa NGCP at mga kaukulang generation companies upang bantayan ang kondisyon sa suplay ng kuryente sa Luzon at Visayas.

Sinabi ng DOE na ang bumabang power generation supply sa Luzon ay naka-apekto sa paghahatid ng kuryente sa Visayas.

Dahil dito, may ilang lugar umano ang nakakaranas ng mga panandaliang brown-out.

Sa kabila nito, nakikipagtulungan ang DOE sa Meralco at mga kabahagi ng interruptible load program upang maibsan ang power outages.

Matatandaang kahapon ay nagtaas ang NGCP ng red at yellow alert dahil sa “tripping” ng Bolo-Masinloc transmission line.

Hinihikayat naman ang publiko na maging responsable sa paggamit ng kuryente partikular na sa peak hours. —sa ulat ni Harley Valbuena

About The Author