Nabigo ang National Food Authority (NFA) na maabot ang optimum level ng national rice buffer stock requirement na 300,000 metric tons sa alinmang panahon noong 2022, ayon sa annual report ng Commission on Audit (COA).
Sinabi ng COA na ang rice buffer para sa buong taon ng 2022 ay itinakda lamang sa 111,000 hanggang 182,000 metric tons.
Bumaba rin sa 232 ang NFA buying stations at procurement teams noong 2022 mula sa 598 noong 2020 bunsod ng NFA Restructuring Program, alinsunod sa Republic Act no. 11203 o Rice Tariffication Law.
Binigyang diin ng state auditor na ito ay sa kabila ng full receipt na P7-B na subsidy mula sa national government.
Nakapagtala rin ang NFA ng kakapusan na 177,349 metric tons, o 36.95% ng targeted palay procurement na 480,000 metric tons at hindi rin naging sapat ang information dissemination ng kanilang Palay Procurement Program. —sa panulat ni Lea Soriano