Kinumpirma ng negosyanteng si Sarah Discaya na siyam ang kanilang construction company na pumapasok sa government projects.
Ito ay ang St. Gerard, St. Timothy, Alpha and Omega, Elite General Contractor and Development Corporation, St. Matthew, Great Pacific Builders, YPR General Contractor, Amethyst Horizon Builders, and Waymaker OPC.
Lumitaw din sa pagdinig na para lamang sa Alpha and Omega Company, noong 2022, 71 proyekto ang kanilang nakuha habang ang St. Timothy ay nakakuha ng 145 projects.
Sa dami ng mga proyektong nakuha ng kanilang kumpanya, tinanong ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada kung sino ang mga kakilala ni Discaya sa DPWH.
Bagama’t inamin ni Discaya na mayroon siyang mga kilalang district engineerings ay nilinaw nitong hindi naman sila ang nagbibigay ng mga proyekto.
Samantala, kinumpirma ni Tarcy Ann Sunico, acting Assistant Director Cluster 4, Defense and Security National Government Auditor Sector ng Commission on Audit na naglabas na sila ng notice of disallowance kaugnay sa ghost projects partikular sa lalawigan ng Bulacan.
Sinabi ni Sunico na kasunod nito ay ang paghahain na nila ng kaso laban sa mga matutukoy na sangkot sa sinasabing iregularidad.
Pinuna naman agad ni Sen. Ronald Bato dela Rosa ang kabagalan ng COA sa pagsasabing naubos na ang pera ng gobyerno at nabayaran na ang mga proyektong wala naman, subalit matagal pa bago makapagsampa ng kaso.
Samantala ipinatatawag na rin sa susunod na hearing ang mga sangkot sa mga lumutang na ghost projects kabilang ang Eddmari Construction and Trading at Silverwolves Construction Corporation.