dzme1530.ph

Negosyante, nangamba sa gulo ng rally sa Cartimar sa Maynila

Loading

Nagulantang ang mga residente at negosyante sa Cartimar, Pasay matapos sumiklab ang kaguluhan sa gitna ng isang rally kahapon ng hapon.

Ayon kay Muhammad, isang negosyanteng Muslim na 12 taon nang may negosyo sa lugar, maayos at mapayapa ang simula ng pagtitipon, ngunit nauwi ito sa gulo nang ilang kabataan umano ang nagwala, manira ng gamit, at pumasok sa isang hotel.

Kwento nito, nasaksihan pa niya ang ilang kabataang humahabol sa tatlong pulis na napilitang pumasok sa mga establisyemento. Dito na nagsimula ang paninira, mula sa mga upuan at harapan ng gusali hanggang sa pagbabasag ng salamin. Pati mga motorsiklong nakaparada sa harap ng establisyimento ay hindi rin nakaligtas. May mga residente ring natakot, at may nagsabing motorsiklo ng pulis ang nasira, bagama’t hindi pa ito nakukumpirma.

Giit ni Muhammad, ngayon lamang ito nakaranas ng ganitong klase ng gulo sa loob ng kanyang 12 taon sa negosyo. Nangangamba aniya siya na maulit ang insidente at tuluyang makasira sa kanilang kabuhayan.

Dismayado rin ito sa matagal nang isyu ng korapsyon sa gobyerno, aniya, hirap na nga silang kumita para makabayad ng buwis at permit, at makakaranas pa ng ganitong kaguluhan. Nilinaw naman nitong hindi siya tutol sa freedom of expression at mapayapang pagtitipon, ngunit nakalulungkot umano kung mauuwi ito sa karahasan.

Samantala, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay ng marahas na pangyayari sa Maynila.

About The Author