Pinag-iingat ng mga asosasyon ng private educational institutions ang mga mambabatas sa pag-amyenda sa economic provisions ng saligang batas na may kinalaman sa edukasyon.
Sa pagpapatuloy ng hearing ng Senate Subcommittee on Constitutional Amendments sa Resolution of Both Houses no. 6, inihayag ng Coordinating Council of Private Educational Associations of the Philippines (COCOPEA) na dapat ikunsidera ng Senado ang implikasyon sa kabuuan ng education system ng 100% foreign ownership sa tertiary educational institutions sa bansa.
Ayon kay COCOPEA Chairperson Fr. Albert Delvo, posibleng magkaroon ng hindi magandang epekto sa mga susunod na henerasyon.
Sinabi ni Delvo na kung papayagan ang mga dayuhan na magkontrol, mag-mayari at mamamahala sa mga educational institutions sa bansa ay posibleng makaapekto sa Filipino culture, moral at values.
Ipinaliwanag pa ni Delvo na sa ngayon maayos na ang karanasan ng mga pribadong paaralan sa 60-40 foreign equity at wala silang nakikitang kumplikasyon.
Sa panig naman ng Philippine Association of Colleges and Universities, sinabi ng kanilang Associate Legal Counsel na si Atty. Joshua Alexander Calaguas na pinangangambahan nilang magkaroon ng epekto sa nationalism at patriotism ng mga estudyanteng Pilipino ang pagpasok ng foreign educational institutions sa bansa.