dzme1530.ph

NEDA, suportado ang pagpapatupad ng price ceiling sa bigas 

Suportado ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang inilabas na Executive Order 39 o ang pagtatakda ng price ceiling sa bigas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. 

Ayon kay NEDA Secretary Arsenio Balisacan, napapanahon lamang ang ganitong hakbang ng pangulo upang mapanatili ang sapat na suplay ng pagkain para sa mga Pilipino lalo na at humaharap sa matinding pagsubok ang bansa gaya ng El Niño at nagdaang mga kalamidad.  

Bagaman mataas pa anya sa ngayon ang suplay ng bigas sa bansa hanggang sa ikatlong kuwarter ng taon, nakahanda na rin ang mga inorder na imported na bigas para gawing pangsuporta hanggang sa kabuuan ng taon.  

Nabatid na base sa EO 39, itinakda sa P41 kada kilo ang price ceiling sa bigas upang masugpo ang mga nananamantala, iligal na pagtatago, pagpupuslit o smuggling at ang pagdidikta ng presyo nito sa merkado. —sa panulat ni Jam Tarrayo 

About The Author