Umakyat pa ang bilang ng mga nasawi dahil sa epekto ng habagat at sunod-sunod na bagyo, batay sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Ayon sa tala, dalawa sa 34 na nasawi ang kumpirmado, habang ang iba pa ay patuloy na bineberipika ng mga awtoridad. Bukod dito, may 18 sugatan (11 kumpirmado, 7 for verification) at 7 nawawala (3 kumpirmado, 4 for verification) na rin ang naitala.
Tinatayang nasa 6.67 milyong katao o katumbas ng 1.86 milyong pamilya ang naapektuhan sa 7,143 barangay sa 17 rehiyon ng bansa.
Mula sa bilang na ito, mahigit 33,000 pamilya o nasa 113,600 indibidwal ang kasalukuyang nanunuluyan sa mga evacuation center. May karagdagang 21,000 pamilya naman ang pansamantalang nanirahan sa iba pang lugar.
Umabot na rin sa halos kalahating bilyong piso ang naipagkaloob na tulong ng pamahalaan sa mga nasalanta.