Kulang na kulang na rin ang National Disaster Risk Reduction and Management Fund, na pagkukunan sana ng nasaid na quick response funds dahil sa mga dumaang bagyo.
Sa press briefing sa Malacañang, inihayag ni Office of Civil Defense Administrator Ariel Nepomuceno na sa ngayon ay nasa ₱200 hanggang ₱300 million na lamang ang NDRRM fund.
Hindi na umano ito sasapat dahil kalimitan ay umaabot sa ₱400 hanggang ₱500 million ang inilalabas sa bawat kalamidad, at minsan ay tumataas pa ito tulad ng nangyari sa bagyong Kristine.
Sinabi ni Nepomuceno na ito ang direct assistance mula sa national government na ginagamit para sa food packs, tubig, cash assistance, at iba pa.
Sa kabila nito, nangako na umano si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na lalagyan muli ng pondo ang quick response funds. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News