dzme1530.ph

NCAP dapat magkaroon muna ng trial period bago ang full implementation

Loading

Inirekomenda ni Sen. JV Ejercito na magkaroon muna ng trial period para sa muling implementasyon ng No Contact Apprehension Policy (NCAP).

Sinabi ni Ejercito na kailangang makita munang handa ang lahat  bago ang full implementation ng polisiya upang matiyak ang maayos na pagpapatupad nito.

Ipinaliwanag ng senador na sa unang araw ng implementasyon ng NCAP, lumabas na ang mga karaniwang violations ay pagsuway sa traffic signs at ilegal na paggamit ng busway na ibig sabihin anya’y kailangan pang paigtingin ang disiplina sa kalsada.

Pinapaalalahanan din ng senador ang mga ahensya ng gobyerno gaya ng DOTr, MMDA, at maging DPWH na gamitin ang panahong ito para matiyak ang maayos na implementasyon ng NCAP, nang hindi nasasakripisyo o natatapakan ang karapatan ng mga motorista at pasahero.

Iginiit ng senador na dapat matiyak na may tamang imprastraktura at maayos na traffic signs at road markings kasabay ng pagpapalakas ng motorists education drive at tiyaking tugma ang local ordinances at guidelines kaugnay ng penalties at multa.

Dapat din anyang magkaroon muna ng experimental period sa pagpapatupad ng motorcycle lane sa EDSA.

Kasabay nito, dapat din aniyang muling pag-aralan ang pagbaban ng mga motorsiklo sa mga overpass at underpass dahil posible itong magdulot ng mas matinding congestion at pagsisikip sa intersections.

Binanggit pa ng senador ang pagtaya ng Japan International Cooperation Agency na aabot sa ₱5.4-B ang maaaring malugi sa ekonomiya kada araw dahil sa matinding trapiko pagsapit ng 2035.

About The Author