Bumalik sa bansa ang delegasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) na nagtungo sa Timor-Leste nang hindi kasama si expelled Negros Oriental Cong. Arnolfo “Arnie” Teves Jr.
Sinabi ni NBI Director Medardo de Lemos na bini-beripika pa kasi ng korte sa Timor-Leste ang request ng Pilipinas at ng Interpol para sa custody ng puganteng ex-congressman.
Sa pangunguna ni De Lemos, nagtungo ang 6-man NBI team sa Timor-Leste para i-extradite si Teves subalit tumanggi ang Timor-Leste police.
Gayunman, pumayag ang mga otoridad sa naturang bansa na magbigay ng litrato ng dating kongresista habang nakakulong bilang “proof of life.”
Binigyang diin ng NBI director na mismong si Timor-Leste President Jose Ramos-Horta ang nag-apruba sa pagkuha ng proof of life documentation ni Teves.
idinagdag ni De Lemos na kailangan nilang maghintay na matapos ang proceedings sa Timor-Leste bago nila maiuwi sa bansa ang dating mambabatas.