Ipinaliwanag ng National Bureau of Investigation kung bakit hindi nito kaagad inaresto si Vice President Sara Duterte sa kabila ng lantaran niyang pagbabanta sa buhay ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr..
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, noong 2020 ay kaagad inaresto ng NBI ang isang guro na nag-post sa social media at nag-alok ng ₱50 million para sa sinumang makapapatay kay noo’y Pangulong Rodrigo Duterte.
Gayunman, hindi umano ganito ang gagawin kay VP Sara at hindi siya kaagad aarestuhin, bilang paggalang sa mataas niyang posisyon.
Ito ay bilang pagbibigay din umano sa kanya ng due process at pagkakataong sagutin ang mga paratang, sa pamamagitan ng ipadadalang subpoena.
Sinabi ni Santiago na bibigyan ng 5-araw ang Pangalawang Pangulo upang tumugon sa subpoena at humarap sa NBI. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News