Lumapit sa media ang ilang Chinese students matapos ang isinagawang raid ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang resort sa Malolos, Bulacan noong July 14, 2025, habang sila’y nag-aaral ng English at nagbabakasyon.
Bitbit ang search warrant, sinalakay ng NBI ang resort na pinaghihinalaang love at crypto scam hub. Ngunit sa halip, mga estudyanteng Chinese ang naabutan sa lugar.
Ayon sa isa sa mga biktima, kinuha ng mga ahente ang kanilang pera, passports, gadgets, at iba pang dokumento, habang ang mga magulang ng estudyante ay binitbit at ikinulong.
Kinumpirma ni NBI Director Jaime Santiago na binuwag na ang task force at sinibak ang 13 tauhan, kabilang ang hepe, dahil sa command responsibility.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na mali ang address sa search warrant, dahil walang Barangay Sta. Rita sa Malolos, taliwas sa lokasyon ng resort na nasa Barangay Ligas, dahilan para ma-dismiss ang kaso.
Inilipat na sa iba’t ibang yunit ang ibang sangkot habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.