Doble-kayod ang mga opisyal ng Navotas City para maayos ang lumang-luma na navigational gate at pagguho ng river wall, kasunod ng ilang araw na High Tide at pagbaha, dahilan para ilikas ang mga residente sa Barangay San Jose.
Sa social media post, sinabi ni Navotas lone District Rep. Toby Tiangco na mahigpit siyang nakikipag-ugnayan sa Department of Public Works and Highways – National Capital Region (DPWH-NCR);
Gayundin sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at sa Local District Engineering Office, para matiyak na alinsunod sa international welding and safety standards ang pagkumpuni sa navigational gate.
Inihayag ni Tiangco na hiniling niya kay DPWH Secretary Manuel Bonoan na makapag pagawa ng pangalawang gate o bagong gate, dahil masyado nang luma ang orihinal na magta-30 taon na.
Sa isinagawang inspeksyon, nakitaan ng mga bitak ang driving arm ng gate, kaya dapat itong maisailalim sa maingat at permanenteng repairs.
Gumuho naman ang isang pribadong river wall noong Sabado na nagdulot din ng hanggang leeg na baha sa Barangay San Jose.