![]()
Hindi maiugnay sa banta sa national security ang kaso ng tinaguriang “Alice Guo part 2” na si Joseph Sy.
Sa pagdinig sa Senado, sinabi ng National Intelligence Coordinating Agency na nagsagawa sila ng monitoring at imbestigasyon kaugnay ng kaso ni Sy.
Lumilitaw umano na walang kinalaman sa usapin ng pambansang seguridad ang kaso at ito ay may kaugnayan lamang sa isyu ng citizenship.
Pinagtibay rin ito ng National Security Council, na nagsabing sa ngayon ay hindi nila masasabing isang isyu ng national security ang kaso ni Sy.
Nilinaw naman ng Philippine Coast Guard na ang pagiging miyembro ni Sy ng Philippine Coast Guard Auxiliary, na nagsimula noong Hulyo 26, 2018, ay boluntaryo at pang-sibilyan lamang, at nakatuon sa pagtulong sa panahon ng sakuna.
Ayon pa sa Coast Guard, wala umanong access ang mga miyembro ng auxiliary sa classified o lihim na impormasyon at sa mga operasyong may kinalaman sa pambansang seguridad.
Tinanggal na rin umano si Sy sa talaan ng Philippine Coast Guard Auxiliary, kasama ang iba pang miyembro, matapos umusad ang mga kasong isinampa laban sa kanya.
Iginiit naman ni Sy ang kanyang karapatang manahimik kaugnay ng mga kasong inihain laban sa kanya sa Bureau of Immigration, dahil maaari umanong magamit ang anumang pahayag laban sa kanya sa kasong deportasyon na nananatiling nakabinbin.
Ipinaliwanag pa ni Sy na patuloy na iniimbestigahan ng Bureau of Immigration ang isyu sa kanyang citizenship, sa kabila ng mga naunang desisyon ng korte, at anumang susunod na hakbang ay daraan umano sa tamang proseso ng batas.
