Tiniyak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagtutulungan ng national government, mga lokal na pamahalaan, at pribadong sektor, upang matugunan ang backlog o kakulangan sa pabahay sa bansa.
Ayon sa Pangulo, priority ng administrasyon ang Pambansang Pabahay para sa Pilipino Housing Project na layuning makapagpatayo ng pabahay malapit sa mahahalagang pasilidad na kinakailangan para sa produktibong pamumuhay.
Kaugnay dito, patuloy na nakikipag-ugnayan ang national government sa mga lokal na pamahalaan sa Luzon, Visayas, at Mindanao, upang mapalawig pa ang Pambansang Pabahay Program.
Nagpasalamat din ang pangulo sa pribadong sektor na hindi umano nagdadalawang-isip na tumulong, at para sa pagsisilbing kaagapay ng gobyerno sa proyektong pabahay.
Target ng administrasyong Marcos na makapagpatayo ng 1-M pabahay kada taon o kabuuang anim na milyong pabahay sa loob ng anim na taon. —sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News