Iginiit ni Senador Grace Poe sa economic team na dapat matiyak na ang national government ang makikinabang sa mga reclamation projects sa Manila Bay.
Sa budget briefing sa Senado, kinuwestyon ni Poe kung ano ang nakukuha ng national government sa mga reclamation project na inaaprubahan ng Department of Environment and Natural Resources at ng mga lokal na pamahalaan.
Iginiit ni Poe na dahil ang Manila Bay ay asset ng Republika ng Pilipinas, dapat matiyak na pumapasok sa national treasury ang kita para magamit sa mga programa at serbisyo para sa mamamayan.
Sa impormasyon ni Poe nasa 8,000 hectares ang sakop ng mga proyekto sa Manila Bay na kung mababayaran ay magbibigay ng malaking kita sa gobyerno.
Nangako naman si Finance Secretary Benjamin Diokno na pag-aaralan ito at magsusumite ng kanilang sagot sa naturang usapin.
Samantala, pinagsusumite rin ni Poe ang economic team ng update sa estado ng Kaliwa Dam Project na pagkukunan ng water supply.
Sinabi ni Poe na kung hindi magkakaroon ng bagong source ng tubig sa bansa ay tiyak na kakapusin na ng suplay para tugunan ang pangangailangan ng mamamayan.
Sa paliwanag ni Diokno ang Kaliwa Dam ay may total loan amount na US$ 211.21-M subalit ang huling disbursement ng pondo na nasa US$31.7-M ay noon pang 2020. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News