Pinarangalan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang natatanging civil servants kasabay ng ika-124 na Anibersaryo ng Philippine Civil Service Commission.
Sa seremonya sa Malacañang ngayong Miyerkules ng umaga, iginawad sa mga napiling kawani ng gobyerno ang tatlong sets ng awards sa ilang pampublikong doktor, nurses, mga guro at principal, LGU workers, at iba pa.
Anim na indibidwal at tatlong grupo ang tumanggap ng Presidential Lingkod Bayan Award na itong pinaka-mataas na parangal na maaaring makamit ng isang civil servant na nagpakita ng natatanging trabaho sa national level.
Iginawad din ang CSC PAGASA Award sa walong indibidwal at isang grupo, at Dangal ng Bayan Award sa 10 civil servants.
Layunin ng Awarding Ceremony na kilalanin ang mga Kawani ng gobyernong nagpakita ng kakaibang husay sa tungkulin, upang sila ay magsilbing inspirasyon sa iba pang kawani para sa pag-aangat ng kalidad ng serbisyo publiko. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News