dzme1530.ph

Nasugbu Mayor, posibleng maharap sa legal na aksyon matapos maglabas ng mga malisyosong pahayag laban sa RCI

Pinuna ng Roxas and Company, Inc. (RCI) ang di umano’y paninira, sa pamamagitan ng paglalabas ng hindi totoo at malisyosong pahayag ni Nasugbu Mayor Antonio Jose Barcelon laban sa publicly-listed firm.

Nagdulot ng pagkabahala ang ipinadalang “intimidating” letters ni Barcelon sa mga direktor, at sa Bank of the Philippine Islands (BPI) na largest creditor ng kompaniya.

Sa isang liham, hiniling ng RCI na ituwid ni Barcelon ang nauna nitong abiso kung saan nakasaad na may hindi nabayarang real property tax (RPT) ang RCI sa Nasugbu.

Bagay na itinanggi ng kompanya na anila’y baseless o walang matibay na basehan.

Ayon sa RCI, tanging landholding lang o mga ari-arian ang mayroon sila sa lugar at walang operasyon sa munisipalidad.

”RCI only has landholdings in the area, and has no existing business permit in the municipality.”

Inilarawan din ng RCI ang pagkilos ni Barcelon bilang isang malinaw na anyo ng harassment na layong dungisan ang reputasyon at integridad ng kanilang kompanya.

Hinimok ng RCI ang alkalde na makipag-ugnayan sa BPI at bawiin ang mga naging paratang nito sa kompaniya sa loob ng pitong araw o harapin ang posibilidad ng legal na aksyon.

About The Author