Nakumpuni na ang transport aircraft ng Philippine Air Force (PAF) na natanggalan ng gulong nang lumapag sa Basco Airport sa Batanes noong Biyernes.
Ayon kay AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr., maaari na ulit gamitin ang C-295 military plane para sa pagta-transport ng relief goods sa mga komunidad na naapektuhan ng mga nagdaang bagyo sa lalawigan.
Bukod aniya sa pagdadala ng mga ayuda sa mga biktima ng mga bagyong Kristine at Leon, naghahanda rin ang AFP sa posibleng maging epekto ng bagyong Marce na kapapasok lang sa bansa.
Sinabi ni Brawner na mayroon pa silang ibang air assets, gaya ng mga C-130 at iba pang C-295.
Idinagdag ng AFP Chief na pinalawig din ng iba pang ASEAN partners, gaya ng Singapore, Indonesia, Malaysia, at Brunei, ang kanilang assistance sa mga lalawigan na sinalanta ng mga bagyo, sa pamamagitan ng pagpapadala ng kani-kanilang mga eroplano. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera