dzme1530.ph

Napakababang compliance ng employers ng domestic worker para sa kontribusyon sa SSS, PhilHealth at Pag-IBIG, pinuna sa Senado

Pinuna ni Senador Raffy Tulfo ang napakababang compliance ng Social Security System (SSS), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at Home Development Mutual Fund o Pag-IBIG para sa coverage ng mga kasambahay.

Batay sa 2019 joint survey na isinagawa ng Philippine Statistics Authority (PSA) at Department of Labor and Employment (DOLE), mayroong 1.4-M rehistradong domestic worker.

Sa 1.4-M, 6% o 84,190 kasambahay lamang ang na-enroll ng kanilang mga employer sa SSS habang 5% o 74, 858 lamang ang nakarehistro ng pareho sa PhilHealth.

Ang malala pa anya 3.4% o 51, 579 na kasambahay lamang ang inirehistro ng kanilang mga amo sa Pag-IBIG.

Binigyang-diin ni Tulfo, Vice Chairperson ng Senate Committee on Labor, na hindi sapat ang ginagawa ng mga ahensyang ito upang matiyak na ang mga employer sa bansa ay nairehistro ang kanilang kasambahay at binabayaran ang kanilang SSS, PhilHealth, at Pag-IBIG contribution.

Sa ilalim ng “Domestic Workers Act” o “Batas Kasambahay,” ang bawat employer ay dapat irehistro ang kanyang kasambahay sa barangay kung saan siya naninirahan. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author