dzme1530.ph

NAIA, dapat magsagawa ng audit at upgrading sa kanilang mga pasilidad

Dapat agad na magsagawa ng audit ang mga opisyal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa lahat ng pasilidad nito kasama na ang electrical audit.

Ito ang binigyang-diin ni Senador Sherwin Gatchalian kasunod ng power outage sa NAIA, kahapon.

Sinabi ni Gatchalian na kailangang suriin ng NAIA ang mga pasilidad na dapat na nitong i-upgrade.

Una nang natukoy na ang main circuit breaker ng NAIA Terminal 3 ang dahilan ng May 1 power outage na maituturing na internal issue.

Hindi anya katanggap-tanggap na nangyari na naman ang aberya ilang buwan lamang makaraang maparalisa ang buong air transport system pagpasok ng bagong taon.

Dapat ay natuto na anya ang pamunuan ng NAIA sa nakalipas na insidente at nagpatupad na ng nararapat na hakbang tulad ng paglalatag ng redundancy system.

Sa kabilang dako, dapat namang tiyakin ng Manila International Airport Authority, Department of Transportation at airline companies na masusunod ang passenger rights, kasama na ang right to compensation and amenities.

Dapat tugunan ng mga ito ang pangangailangan ng mga naapektuhang pasahero at tiyakin ang kanilang kaligtasan.

Ipinaalala pa ng senador na anumang pagkagambala o pagkaantala ng mga sistemang pang-transportasyon ay nagdudulot ng masamang epekto sa ekonomiya kaya dapat itong pagbuhusan ng pansin para hindi na paulit-ulit ang mga aberya. —sa ulat ni Dang Garcia

About The Author