dzme1530.ph

Nagpakilalang kamag-anak ni PBBM, kinasuhan ng swindling sa DOJ

Sumugod sa Department of Justice (DOJ) ang tatlong biktima ng swindling ng nagpakilalang umano’y malapit na kamag-anak ni Pang. Ferdinand Marcos Jr.

Kinasuhan ng swindling ang suspek na si Mario Pacursa Marcos, ng mga biktima na sina Jennylei Cabarte, Chief Executive Officer ng Media Blitz PR Consultancy; Phebe Dy, may-ari ng Triple A Construction Company; at isang retired Brigadier General na si Arnulfo Jose Marcos.

Base sa complaint affidavit, nakuhanan sila ni Mario Pacursa Marcos ng milyung-milyong piso na para umano sa investment ng Tesla Project, negosyong electric car ng bilyonaryong si Elon Mask.

Sa salaysay ng mga biktima, umabot sa P13-M ang nakuha kay Caberte, P12-M sa contractor na si Dy habang P800,000 naman ang nasamsam sa retired General na si Arnulfo Marcos.

Kwento ng mga biktima, isang kaibigan umano ang nagpakilala sa kanila kung saan hinikayat na mag-invest para sa kompanya ni Mario Marcos kapalit ng malaking interes ng kanilang pera.

Sinabi ng suspek na pinsan niya si PBBM kung kaya’t nabighani sila na magbigay ng malaking halaga.

Binigyan pa nga daw sila ng golden medallion ang mga ito kung saan nakalagay o naka-ukit ang mukha ng Pangulo.

Ngunit makalipas ang halos isang taon ay hindi na nila ma-contact si Mario Marcos maging ang address na kanyang ibinigay ay hindi na rin nila natagpuan. –sa ulat ni Felix Laban, DZME News

About The Author