Hiniling ni Senador Grace Poe sa kaukulang kumite sa Senado na magsagawa ng imbestigasyon sa patuloy na text scams at paggamit ng mga iligal na POGO operations ng libu-libong SIM sa kabila ng ipinatutupad na Mandatory SIM Registration Law.
Inihain ni Poe ang Senate Resolution 745 na humihiling na pagpaliwanagin ang telecommunications company (telcos) at ang mga ahensyang nangunguna sa implementasyon ng Mandatory SIM Registration Act kaugnay sa patuloy na paglipana ng text scams.
Partikular na ipatatawag ang National Telecommunications Commission, Department of Information and Communications Technology, at Department of Trade and Industry.
Aalamin sa imbestigasyon kung paanong nagkaroon pa ng sangkatutak na SIM ang mga sangkot sa iligal na POGO.
Tutukuyin din kung ang mga nakuhang SIM ay nakarehistro at kung nai-rehistro ay bubusisiin kung gumamit ba rito ng pekeng pangalan o may nagbenta ng kanilang identity.
Tinukoy sa panukala ang ni-raid kamakailan na POGO hub sa Las Piñas kung saan nakumpiskang 80,000 na SIMS, habang sa isang POGO facility sa Pasay ay nasa 28,000 SIMs ang nasamsam.
Ang mga nasabat na SIMs ng mga otoridad sa mga POGO ay nagagamit umano sa pangi-iscam at cyber fraud. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News