Sinimulan na ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality ang pagdinig sa lumalalang kaso ng deepfake videos.
Humarap sa pagdinig ang aktres na si Angel Aquino at content creator na si Queen Hera.
Sa salaysay ni Aquino, ginamit ang kanyang mukha at inilagay sa isang pornographic movie, na nalaman niya lamang matapos ipaalam ng kanyang mga kaibigan sa industriya.
Isinumbong naman ni Queen Hera ang paggamit sa mga larawan ng kanyang anak sa dark web.
Batay sa ulat ng Department of Information and Communications Technology (DICT), tumaas na ng 550% ang mga kaso ng deepfake simula pa noong 2019.
Tiniyak naman ng mga online platforms gaya ng TikTok at Google na may zero tolerance sila lalo na laban sa child pornography.