dzme1530.ph

Naglipanang fake news, dapat nang aksyunan

Loading

Aminado si Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. na isa sa naging dahilan ng kanyang pagkatalo sa nakalipas na halalan ay ang naglipanang fake news na tinarget ang kaniyang pagkatao.

Dahil dito, sinabi ni Revilla na panahon nang aksyunan ang mga nagpapakalat ng fake news para na rin sa kapakanan ng kabataan na naloloko sa iba’t ibang pahayag dahil hindi nila alam ang mga pangyayari sa nakalipas na mga taon.

Aminado si Revilla na malungkot siya sa naging resulta ng halalan subalit binigyang-diin na inirerespeto niya ang naging pasya ng taumbayan kaya’t isa rin siya sa unang nang-concede matapos ang canvassing.

Subalit, inamin niyang hindi lamang ang fake news ang dahilan ng kanyang pagkatalo kundi may iba pang mga factor.

Sa press conference sa Senado, kinumpirma naman ni Atty. Raymond Fortun, legal counsel ng senador na 5 hanggang 10 cyberlibel cases ang kanilang ihahain laban sa mga natukoy nilang indibidwal na sangkot sa pagpapakalat ng fake news laban kay Revilla.

Ipinaliwanag ni Fortun na nakikipag-ugnayan na sila sa National Bureau of Investigation upang masuri ang lahat ng mga kinalap nilang mga post sa social media at matukoy ang tunay na pagkakakilanlan ng mga taong sangkot dito.

Aminado naman si Fortun na sa pagtarget kay Revilla ay may mga nakinabang dahil sa kaniyang pagbaba aniya ay mayroong umangat.

Subalit kung meron man aniyang grupong nagsagawa ng pag-atake laban sa senador ay malinaw na walang kinalaman dito ang mga Duterte.

Isa sa sinasabing fake news ay ang patuloy na pagdiriin sa senador sa kanyang kasong plunder na matagal na anyang naibasura ng Sandiganbayan.

About The Author