Nais ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na magsagawa ang Senado ng investigation in aid of legislation sa dumaraming hindi awtorisado at unregistered na online lending platforms sa bansa na nakapambibiktima ng maraming Pinoy.
Sa kanyang Senate Resolution No. 641, sinabi ni Villanueva na sa pagtaas ng mga lending transactions sa pamamagitan ng digital platforms, dumarami rin ang abusadong polisiya sa pangongolekta at paniningil ng mga utang.
Dapat anyang matigil ang hindi makatao at unethical practice ng paniningil at tiyakin ang proteksyon sa mga Pilipino.
Sinabi ni Villanueva na kailangang bumalangkas ng mga hakbangin para matiyak na sa mga rehistrado at awtorisadong online lending companies lamang nakikipagtransaksyon ang mga consumer para na rin sa proteksyon sa kanilang interes at kapakanan ng nakararami.
Una nang ni-revoke ng Securities and Exchange Commission ang Certificates of Registration ng 2,084 lending at financing companies na hindi nakakuha ng Certificates of Authority (CA) habang 39 na financing at lending companies ang kinansela ang CA dahil sa iba’t ibang paglabag.
Kabilang sa paglabag ang hindi makatarungan pagtataas ng interest rates at iba pang charges dahil sa hindi pagbabayad sa schedule.
Ilang kolektor pa ang inirereklamo dahil sa paggamit ng mga masasakit na salita sa paniningil.
Pinasisilip din ni Villanueva sa Senado ang mga ulat na ilang lending platforms ang sangkot sa irresponsible data harvesting na paglabag sa right to privacy at safe and secure transactions. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News