dzme1530.ph

Nag-notaryo sa counter-affidavit ni Alice Guo, iginiit na personal niyang nakita ang dating alkalde noong Aug. 14

Iginiit ng abogado na nag-notaryo ng counter-affidavit ni Alice Guo na nakita niya ng personal ang pinatalsik na Bamban, Tarlac Mayor noong gabi ng Aug. 14, sa gitna ng mga claim na lumabas ito ng bansa noong nakaraang buwan.

Ayon kay Atty. Elmer Galicia, mag-a-alas 7:00 ng gabi ng Aug. 14, araw ng Miyerkules, nang ilapit sa kanya ng isang kasamahan na ang pangalan ay “Allan,” si Guo para magpa-notaryo.

Sa Supreme Court ruling noong 2018, hindi maaring i-notaryo ng isang notary public ang dokumento kapag magkaibang tao ang nakapirma sa gumawa nito at personal dapat itong ihain upang patunayan na totoo ang lahat ng nakasaad sa dokumento.

Ang Law firm ni Galicia ay naka-base sa San Jose Del Monte, Bulacan, kung saan mayroong reported sightings ang National Bureau of Investigation kay Guo.

Sinabi ni Galicia na nasa loob lamang ng sasakyan ang dating alkalde sa buong proseso, at ibinaba lamang nito ang bintana para makipag-usap sa kanya.

Nagtungo ang abogado sa Department of Justice, kahapon, at nangakong magsusumite ng salaysay sa naging pagkikita nila ni Guo. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera

About The Author