Kinuwestyon ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro ang substitute bill na inaprubahan ng House of Representatives – Ad Hoc Committee on Military and Uniformed Personnel Pension System.
Sa isang statement, sinabi nito na hindi siya sang-ayon sa itinatakda ng panukala na mandatory contribution ng military personnel lalo na sa mga nakakumpleto ng 20 taong pagseserbisyo.
Ayon sa kay Teodoro, walang dapat mabago sa pensyon at entitlement ng mga nagretiro sa militar at dapat manatili ang 100% indexation o pagsabay ng pagtaas ng pensyon sa pagtaas ng sahod ng mga aktibo sa serbisyo.
Ayon sa kalihim, ang pagtiyak na hindi mabawasan ang retirement benefits ng mga sundalo ang nagsisilbing pagkilala ng pamahalaan sa serbisyo ng mga sundalo.
Iginiit ni Teodoro, na hindi dapat ihalintulad ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa ibang unipormadong serbisyo dahil sa “nature” ng kanilang trabaho kung saan nasa ilalim sila ng istriktong “military law” mula sa pagsasanay hanggang sa pagreretiro. –sa ulat ni Jay de Castro, DZME News