Tutol si Pang. Ferdinand Marcos Jr. sa mungkahing lagyan din ng water cannon ang mga barko ng Pilipinas, sa harap ng patuloy na water cannon attacks ng China sa West Philippine Sea (WPS).
Sa ambush interview sa Pasay City, inihayag ng pangulo na ang tanging ginagawa lamang ay depensahan ang sovereign rights at soberanya ng bansa sa WPS, at wala sa plano at intensyon na atakihin ang sinuman ng water cannon.
Iginiit ni Marcos na hindi tutularan ng bansa ang ginagawa ng Chinese Coast Guard, dahil ang misyon umano ng Philippine Navy at Coast Guard ay pahupain at hindi palalain ang tensyon.
Kaugnay dito, ipagpapatuloy umano ang pagpapadala ng demarche at liham sa China at iba pang stakeholders sa harap ng mga insidente.