Nangako si Senate Committee on Finance Chairman Sonny Angara na hindi nila papayagang magkaroon ng multiple entries ng mga proyekto sa ilalim ng 2024 National Budget.
Ginawa ni Angara ang pangako kasunod ng pahayag ni dating Senator Ping Lacson na sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act nasa 45 proyekto ang doble hanggang limang beses na nailista ang alokasyon habang sa 2024 National Expenditure Program (NEP), 26 na items naman kaya lumobo ng 109% hanggang 328% ang mga hindi kinakailangang fund allocation.
Sinabi ni Angara na bahagya nang natalakay sa budget briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) ang ilang double entries sa pamamagitan na rin ng pagtatanong ni Senator Alan Peter Cayetano.
Tinukoy ni Cayetano ang mga double entries sa budget items ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na naaprubahan sa ilalim ng 2023 GAA at sa kabila ng inalis ang mga natukoy na nadoble na pasok na proyekto ay may natira pa ring P2-B na halaga ng duplicate items sa pamabansang pondo.
Bagamat hindi naman nagamit ang sobrang pondo at ito ay naibalik din sa National Treasury, laking panghihinayang naman ni Angara dahil ang pondo ay ipinangtustos sana agad sa pagtatayo ng mga dagdag na silid-aralan at kalsada.
Sinabi ni Angara na isa sa napag-usapan na solusyon ay gawing mas high-tech o mas moderno ang pagpoproseso ng entries dahil sa kasalukuyan ay lumang software lang ang gamit at hindi nate-trace ang mga double entry sa budget. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News