dzme1530.ph

MPD, tumutulong na rin sa pagmomonitor sa pagpapatupad ng EO 39

Inatasan ni Manila Police District (MPD) Chief Brig. Gen. Andre Dizon ang ilan nilang tauhan na tumulong sa pagmomonitor sa ipinatupad na Executive Order no. 39 ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Ito ay ang pagtatakda ng presyo sa P41 ng kada kilo ng regular milled rice at P45 naman sa kada kilo ng well-milled rice.

Kaugnay nito, pinasisiguro ni General Dizon sa lahat ng istasyon ng MPD na mag-ikot sa kanilang nasasakupan upang malaman kung naipatutupad ito.

Babala ni Dizon sa ilang mga retailers na lalabag sa nasabing EO, mayroong kaukulang parusa na multang hindi bababa sa P5,000 o hihigit sa P1-M kung saan maaaring makulong ng hindi bababa sa 1 taon o hihigit sa 10 taon depende sa pasya ng korte.

Pinatitiyak rin ng opsiyal sa mga tauhan nito na siguraduhin ang seguridad sa mga palengke at iba pang pamilihan upang walang mangyaring kaguluhan.

Nabatid na suportado ni Dizon ang pagpapatupad ng EO 39 ng Pangulong Marcos dahil malaking tulong ito upang maiwasan ang hoarding, smuggling at ang patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas. –Felix Laban, DZME News

About The Author