dzme1530.ph

Motorcycle for hire, gawin nang ligal –Sen. Poe

Panahon nang magkaroon ng motorcycle for hire sa bansa.

Ito ang iginiit ni Senate Committee on Public Services Chairperson Grace Poe matapos ang pagdinig kaugnay sa panukala para ideklarang ligal, ligtas at kumbinyenteng mode ng public transportation ang motorcycle for hire.

Sinabi ni Poe na pinatunayan ito sa resulta ng pilot study ng Department of Transportation sa viability ng motorcycle taxis na sinimulan noong 2019 na batayan ng bubuuing batas.

Batay anya sa apat na taong pag-aaral, lumitaw na mayorya ng mga commuter ang pabor na gawing ligal ang motorcycle taxis dahil sa mas mura at mas mabilis na biyahe lalo na sa mga oras ng masikip ang daloy ng trapiko.

Naniniwala si Poe na ang resulta ng pilot study ay malakas na batayan para sa pagsusulong ng polisiya na tugon sa pangangailangan ng commuting public at ng iba pang stakeholders.

Sa pilot run, pinayagan ang kabuuang 45,000 riders mula sa Angkas, Joy Ride at Move It sa Metro Manila.

Tinukoy din ni Poe na batay sa datos ng Land Transportation Office, nasa 19.2-M ang motorsiklo sa bansa na 87% ng lahat ng registered motor vehicles hanggang nitong 2022.

Sa kabilang dito, pinatitiyak ni Poe na susunod sa highest standards ng road safety ang mga motorcycle for hire. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author