Hindi na pinagbigyan ng Korte Suprema ang Motion for Reconsideration na inihain ng lokal na pamahalaan ng Makati City na muling dinggin ang territorial dispute nila ng Taguig City.
Sa desisyon ng Supreme Court Special Third Division, sinabi nitong walang sapat na dahilan para pagbigyan ang kahilingan ng Makati City.
Ayon sa Korte, mahigpit na ipinagbabawal sa kanilang rules ang pagtanggap o pagdinig sa ikalawang Motion for Reconsideration.
Una nang ibinasura ng Kataas-taasang Hukuman ang apela ng Makati City noong December 1, 2021 na kumukuwestyon sa desisyon na paboran ang Taguig City sa pag-aangkin nito sa anim na barangay sa Makati.
Noong September 28, 2022, naglabas ng desisyon with finality ang SC sa naturang territorial dispute sa pagitan ng dalawang lungsod. —sa ulat ni Felix Laban, DZME News