Paiimbestigahan ni Sen. Sherwin Gatchalian sa Senado ang impormasyon kaugnay sa modus operandi sa pagkuha ng mga banyaga ng birth certificate at iba pang dokumento.
Sa impormasyon ni Gatchalian, sa halagang P300,000 maaari nang magkaroon ng birth certificate, passport at driver’s license ang isang Chinese.
Ang impormasyon ay nakuha ni Gatchalian matapos lumabas ang balitang may 200 na pekeng birth certificates ang natuklasan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa civil registry ng Sta. Cruz, Davao del Sur at ang mga ito ay pawang mga Chinese nationals.
Ayon kay Gatchalian, may nakausap siya mula sa Chinese community at sinabi sa kanya ang “running price” o halaga para makakuha ng birth certificate, kasama na ang pasaporte at driver’s license.
Walang duda aniya na mayroon talagang sindikato sa loob ng Philippine Statistics Authority at sa mga local civil registry na nagpapabayad sa mga dayuhan para mabigyan ang mga ito ng mga mahahalagang dokumento kapalit ng malaking halaga.
Aminado si Gatchalian na masyado nang naabuso ng husto ang late registration kaya dapat na maayos na ngayon ang problemang ito.
Binigyang-diin ng senador na sa Sta. Cruz pa lang ang natuklasang mga fake birth certificates at mayroong mahigit 1,700 na local government units sa bansa na maaaring ang ilan dito ay nagamit din ng mga dayuhan.