![]()
Handa ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na labanan ang illegal gambling na pinalalakas ng makabagong teknolohiya at ngayo’y nagbabanta sa integridad ng regulated gaming sector sa bansa.
Sa Asia-Pacific Regulators’ Forum noong Setyembre 11 sa Newport World Resorts, binigyang-diin ni PAGCOR Vice President for Human Resource and Development Dr. Angelito Domingo ang pagpapatupad ng three-pronged gaming education framework bilang tugon sa problema.
Ipinaliwanag ni Domingo na may tatlong puwersang nagtutulak sa paglaganap ng illegal gambling, teknolohiya bilang kasangkapan, kriminal na motibo, at negatibong epekto sa lipunan, na banta sa legal na industriya.
Ang framework ay nakatuon sa tatlong bahagi. Una, player education para sa responsableng paglalaro at tamang kaalaman sa pinansyal at sikolohikal na panganib ng pagsusugal; ikalawa, operator training na may kasamang mandatory certification upang matiyak na may kakayahan ang frontline staff na makilala at matulungan ang mga problem gambler; at ikatlo, public outreach sa pamamagitan ng impormasyon, kampanya, at pakikipagtulungan sa mga regulator, NGO, law enforcement at iba pang sektor.
Binigyang-diin ni Domingo na mabilis ang paglago ng online gaming sa bansa dahil sa lawak ng mobile access at hilig ng mga Pilipino sa digital devices. Dagdag pa nito, marami ang hindi agad nakauunawa sa bigat ng epekto ng pagsusugal at napagtatanto lamang ito kapag huli na.
