Kasunod ng panibagong insidente ng pag-atake sa West Philippine Sea, muling nanawagan si Senador JV Ejercito sa gobyerno na bilisan na ang modernisasyon ng Hukbong Sandatahan ng bansa.
Kasabay nito, binigyang-pugay ng senador ang katapangan ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard.
Sinabi ni Ejercito na sobra-sobra na ang pagiging agresibo ng China sa panghihimasok sa teritoryo ng ating bansa.
Ito ay kasunod ng muling paggamit ng water cannon ng Chinese Coast Guard sa nagsasagawa ng resupply mission sa Ayungin Shoal.
Iginiit ng senador na sa huling insidente, ipinakita na ng China ang pagiging labis na desperado sa pag-angkin na pag-aari nila ang West Philippine Sea (WPS).
Idinagdag pa ni Ejercito na naninindigan pa rin ang Pilipinas sa mapayapang pagresolba sa isyu alinsunod sa mga pandaigdigang batas partikular na ang United Naton Convention on the Law of the Sea.