Inirekomenda ni Senador Francis Tolentino ang paglalaan ng P10-B para sa dalawang taong modernization program ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Alinsunod sa Senate bill 2164 ni Tolentino, ilalaan ang pondo sa capital outlay o sa pagbili at upgrading ng mga state of the art instrument para sa real time na pagmomonitor sa aktibidad ng mga bulkan at kaakibat na lindol at tsunami.
Popondohan din ang volcano monitoring network infrastructure para sa regular na monitoring ng lahat ng bulkan sa bansa aktibo man o hindi.
Ipagtatayo rin ang PHIVOLCS ng sariling gusali at pasilidad para sa kanilang operasyon at research habang patataasan ang sweldo at benepisyo ng mga opisyal at tauhan nito.
Sa panukala, pananatilihin ang PHIVOLCS na attached agency ng DOST na pamumunuan ng executive director na may ranggo at sahod ng isang undersecretary.
Binigyang-diin ni Tolentino na mahalagang maging modernisado ang mga kagamitan at technique ng PHIVOLCS para maibsan ang sakuna na maaaring idulot ng pagsabog ng bulkan.
Nasa 300 ang mga bulkan sa bansa kung saan 24 dito ang aktibo o may history ng pagputok. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News