Muling isinusulong ni Sen. Alan Peter Cayetano sa Senado ang panukalang naglalayong maglaan ng ₱25-B sa Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police sa loob ng limang taon para sa modernisasyon ng kanilang mga kampo at pasilidad.
Layun ng proposed AFP and PNP Camp Development Fund Act ni Cayetano na palakasin ang AFP at PNP.
Sinabi ni Cayetano na mahalaga ang papel ng militar at pulisya sa pagbabantay sa pambansang seguridad kaya’t kailangan ng tuloy-tuloy na pondo para sa kanilang pagpapaunlad.
Layunin ng AFP and PNP Camp Development Fund Act na maglaan ng limang taong programa para sa modernisasyon, pag-unlad, at pagpapabuti ng mga kampo militar at pulis na naaayon sa kanilang development plan.
Ang bawat ahensya ay makakatanggap ng ₱5-B kada taon na may kabuuang ₱25 bilyon sa loob ng limang taon.
Iginiit ni Cayetano na ang lahat ng development plan at mga kaugnay na pagbili ay isasagawa nang may transparency, ngunit ang access sa sensitibong impormasyon ay angkop na lilimitahan upang protektahan ang pambansang seguridad at kaayusang panlipunan.
Saklaw ng panukalang pondo ang pagpapatayo at pagpapahusay ng mga imprastraktura gaya ng mga training center, tulugan, sports facility, internet connectivity, at mga security system tulad ng CCTV.
Binigyang diin din ni Cayetano ang “multiplier effect” ng pamumuhunan sa imprastraktura, kabilang ang potensyal nitong lumikha ng trabaho, pasiglahin ang mga lokal na ekonomiya, at makatulong sa pagbawas ng kahirapan.