Inanunsyo ng Department of Health (DOH) na binigyan ng Food and Drug Administration (FDA) ng Emergency Use Authority (EUA) ang Bivalent Vaccines ng Moderna at Pfizer laban sa COVID-19.
Sinabi ni DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire na ipinagkaloob ang EUA noong nakaraang linggo, kasama ang rekomendasyon na ginawa ng Health Technology Assessment Council.
Inaasahang ilalabas ng DOH sa mga susunod na araw ang rekomendasyon, pati na ang guidelines para sa priority population.
Kumpara sa Monovalent Vaccines na nilikha para labanan ang original sarscov2 na unang nadetect sa Wuhan, China noong huling bahagi ng 2019, ang Bivalent Vaccines ay magbibigay ng proteksyon laban sa malalang sakit na dulot ng mga bagong variants.
Bagaman wala pang eksaktong petsa na ibinigay ang ahensya, una nang inihayag ng DOH na target nilang bumili ng Bivalent Vaccines sa unang quarter ng 2023.