![]()
NAIS ni Senador Imee Marcos na silipin ng gobyerno ang reserbang enerhiya at ang mitigation measures ng gobyerno sa posibilidad ng “energy shock” kapag tumindi pa ang tensyon sa Middle East.
Sa Senate Resolution 333 na inihain ng senadora, tinukoy na ang Strait of Hormuz kung saan dito idinadaan ang 20% na suplay ng langis at 20% ng liquefied natural gas ng buong mundo ay sarado na bunsod ng tinatawag na ngayon na “Iran War”.
Ang epekto anya ng gyera ay nagdulot na agad ng mabilis na paggalaw sa presyo ng crude oil mula Middle East to China batay sa datos ng Baltic Exchange.
Naging target na rin ng pag-atake ang mga energy infrastructure sa mga bansa sa Middle East tulad ng Ras Tanura oil refining facility ng Saudi Aramco na isa sa pinakamalaking oil refineries sa Gitnang Silangan.
Ibinabala ng mambabatas na malaking banta sa Pilipinas ang mga pangyayaring ito lalo pa’t ang pagtaas ng presyo sa mga produktong petrolyo ay may domino impact sa pagtaas ng pamasahe, kuryente, pagkain, agricultural production at iba pang mga serbisyo.
