Magsasagawa ng hiwalay na pagsisiyasat ang Senado kaugnay sa pagkamatay ng 17 anyos na si Jemboy Baltazar dahil sa kaso ng mistaken identity.
Ito ay batay sa Senate Resolution 742 na inihain ni Senador Risa Hontiveros at sa privilege speech ni Senator Raffy Tulfo.
Sa resolution, nais tutukan ni Hontiveros sa pagbusisi ang paggamit ng lethal force ng mga pulis sa operasyon.
Sisilipin din sa imbestigasyon ang batas, patakaran at mga regulasyon sa police engagement at paggamit ng armas kasam na ang mga batas na sumasaklaw sa accountability at criminal liability ng mga sangkot na police officers.
Sa kanya namang privilege speech, kinondena ni Tulfo ang pagsasampa lamang ng kasong reckless imprudence resulting in homicide laban sa mga pulis na nakapatay kay Baltazar.
Sinita rin ni Tulfo ang hindi paggamit ng mga pulis sa kanilang body-worn camera nang isagawa ang operasyon at hindi rin na-paraffin test ang mga pulis na sabit sa krimen. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News