Pinaaalis na sa pwesto ng Malacañang si Mindanao Development Authority Sec. Maria Belen Acosta.
Sa order na may lagda ni Executive Secretary Lucas Bersamin, nakasaad na ito ay dahil nawala na ang tiwala at kumpiyansa ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. kay Acosta.
Sinabi rin dito na epektibo na ang panunungkulan ni bagong MinDa Sec. Leo Tereso Magno, at nakapanumpa na ito sa pwesto.
Mababatid na nanindigan si Acosta na hindi pa opisyal na nababakante ang posisyon dahil wala umanong batayan ang pag-terminate sa kanya, dahil nakasaad umano sa kanyang appointment paper ang fixed term na anim na taon na nilagdaan ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Iginiit naman ni Bersamin na ang chairmanship position sa MinDa ay ‘confidential at policy determining’ kaya’t naaayon lamang ang ginawang pagsibak dito.