dzme1530.ph

Military Exchange Program ng Pinas at China, pinatigil muna

Kinumpirma ni AFP Chief of Staff Romeo Brawner Jr. na ipinatigil na nila simula noong Agosto a-5 ang Military Exchange Program ng bansa sa China sa gitna ng patuloy na tensyon sa West Philippine Sea.

Sa kanyang pagharap sa confirmation hearing sa Commission on Appointments, sinabi ni Brawner na sa ngayon ay wala nang sundalong Pinoy na nag-aaral sa Chinese Military Academy at wala ring Chinese soldier sa bansa.

Tiniyak din ni Brawner na patuloy nilang pag-aaralan ang Military Exchange Program sa pagitan ng China at Pilipinas dahil sa isyu sa West Philippine Sea.

Sinabi rin ng heneral na kamakailan ay nagpadala ng imbitasyon ang China sa AFP upang magpadala ng kadete sa China para sa isang conference na dadaluhan ng iba’t ibang bansa subalit hindi na anya sila magpapadala ngayong taon.

Idinagdag pa ng opisyal na kailangang i-revisit ang Memorandum of Agreement on Defense Cooperation ng bansa sa China upang malaman ang magiging military relations ng dalawang bansa. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author