dzme1530.ph

Militar, naglatag ng contingency plan para sa worst case scenario ng West PH Sea

May nakalatag ng contingency plan ang militar sakaling umabot sa worst case scenario ang sitwasyon sa West Philippine Sea na hahantong sa pagkakadamay sa mga inosenteng sibilyan.

Ito ang tiniyak ni Defense Sec. Gilbert Teodoro na nagpahayag din ng pagkakumpyansa na hindi naman hahantong ang China sa pag-atake sa mga sibilyan sa Pagasa Island sa Palawan.

Sinabi ni Teodoro na walang right thinking nation ang magsasagawa ng pag-atake sa mga sibilyan.

Kaya naman patuloy din ang kanilang mga hakbangin upang mapalakas ang seguridad sa kapaligiran ng ating teritoryo kasabay ng pahayag na mayroon namang plano ang militar na hindi nila maaaring isapubliko.

Bukod dito, target anya nilang gawing sustainable ang pamumuhay sa Pagasa Island upang maproteksyunan ang mamamayan.

Una rito, kinumpirma ni Teodoro na nasa dalawampung barko ng China kabilang ang China Coast Guard at militia ang nananatili halos nasa 3-4 nautical miles na lamang ang layo sa Pagasa Island.

Sinabi ni Teodoro na whole of government approach ang kinakailangan para sa pakikipaglaban sa soberanya ng bansa.

 

About The Author